Narito si Andoy

(Header) Ngumiti si Andoy Blog Tour

Ang sanaysay na ito ay isinagawa bilang pakikiisa sa Ngumiti si Andoy blog tour na nagsimula sa ika-25 hanggang ika-30 ng Nobyembre 2013. Para sa kumpletong listahan ng mga kalahok na blog, bisitahin ang xizuqsnook.com

Nalalapit na ang kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, bayani ng bayan, bayani para sa karaniwang tao na gaya ko. At dahil close kami palayaw ko sa kaniya ay Andres B. Hip at moderno ang tunog ng pangalang ibinigay ko sa kaniya, parang screen name ng isang kilalang rapper, pero para ring pangalan ng isang kabarkada. Hindi ako ang unang nagbansag sa kaniya ng “angga” (salitang Sebwano na katumbas ng palayaw sa Filipino). Hindi nakakapagtaka dahil nakahiligan na nating mga Pilipino ang pagbibigay ng angga sa kapamilya, kaibigan, kapitbahay, at pati na rin sa kaaway. Tanda ito ng paggiliw, pagkakaibigan, pinagsamahan, o anumang damdamin na namamagitan sa pinapangalanan at nagngangalan. Ito’y pinatutunayan sa pinaka-inaabangan kong kuwentong pambata ngayong taon. Narito na ang Ngumiti si Andoy!

(Cover) Ngumiti si Andoy

Si Kuya Andoy at Andrew sa pabalat ng kuwentong pambatang Ngumiti si Andoy.

Ipapakilala ng kuwento sa atin si Andres Bonifacio bilang kuya, bilang bana, bilang bayani na sa kaniyang pinaka-pusod ay karaniwang tao rin.

Ngumiti si Andoy. Ito ang simula ng kuwento ni Andrew na nagsimula sa kanilang Heroes Park. Gusto lamang niya na iguhit ang estatwa ni Andres Bonifacio nang matuklasan niya ang ilang lihim sa buhay ng bayani.

At dahil sa likod ng bawat kuwento ay may mastermind, minabuti ko ring makipanayam ang manunulat at ilustrador ng libro upang mas lalo pa nating makilala si Andoy.

(Illustrator) Dominic Agsaway

Ngumingiti si Andoy, at ngumingiti rin si Domz

Una kong nahagilap si Dominic Agsaway (na tatawagin nating Domz dahil mahilig tayo rito sa Titser, Titser! sa mga palayaw), ang nagbigay buhay at kulay kay Andoy sa pahina.  Tunay na dumanak ang kaniyang pawis dahil sa aking matalim na pagtatanong (siyempre isinapuso ko ang mapanuring diwa ng Katipunan!).

Si Domz ay isang ilustrador ng komiks at librong pambata. Siya ay miyembro ng Ang Ilustrador ng Kabataan. Nagtapos siya sa Unibersidad de Santo Tomas (UST) at madalas rin tumambay sa parke habang naghihintay ng sundo. Maaari ninyo siyang ma-email sa agsaway@gmail.com.

Sue: Naging isang malaking usapin ang paglalarawan kay Andres Bonifacio bilang “Dakilang Dukha” dahil sa pagsalungat dito ng mga historyador at iba pang akademiko. Katunayan sa natatanging larawan ni Andres na mayroon tayo ngayon siya ay hindi naka-camisa de chino kundi naka-kurbata at amerikana. Bilang ilustrador, ano ang pinili mo na isalarawang imahen ni Andres? Paano mo pinagpasiyahan ito?

Domz: Bago ko isalarawan ang Supremo para sa kuwentong ito, may mga pinag-aralan akong imahe at estatwa niya. Isa na rito ang estatwa na nasa Baliuag, Bulacan na halos araw-araw kong nakikita. Noong bata ako, akala ko si Aguinaldo yun. Ang estatwa kasi na iyon ay nakasuot ng pangheneral at nakasakay sa kabayo na malayo sa karaniwang istura ni Gat Andres. Isa pa sa aking pinag-aralan ay ang estatwa sa Balintawak na lahat ng tao ay pamilyar. May isang pagkakahawig ang dalawang estatwa na ito: pareho silang may dalang itak at nakatutok sa ere.

May mga postkard at imahe sa Internet na nakaformal si Andoy na aking nakita at siniyasat rin.

Sa paglikha sa Andres Bonifacio sa libro, hinango ko ang tindig at kasuotan mula sa popular na estatwa sa mga isip ng Pinoy tungkol sa Supremo. Ngunit, hinango ko rin ang eleganteng gupit ni Andoy mula sa formal niyang imahe.
Sue: May natutunan ka bang bago tungkol kay Andres dahil sa proyektong ito?

Domz: Marami akong natutunan tungkol sa Supremo. Dati ang pagkakakilala ko lang sa kanya ay napakapayak: namatayan ng magulang, nagtiyaga sa buhay,may dalang itak, nagtatag ng katipunan, nagpunit ng sedula, nagrebolusyon at pinapatay. Hanggang dun lang.

Ngunit nung nasangkot ako sa proyektong ito, marami pang detalye na magaan kong naunawaan ang nadagdag sa akin tulad ng mga propesiyon ng magulang niya, pangalan ng 5 niyang kapatid, madalas niyang pagbitbit ng baril at ang lubos na pagmamahal niya kay Oryang. Tumama itong lahat sa aking kamalayan dahil sa Ngumiti si Andoy.

Sue: Mula kay Andres B., lumawig naman tayo sa papel ng manlilikha ng kuwento. Ano ang papel ng mga ilustrador sa paghubog ng kaalaman ng mga kabataan tungkol sa ating mga bayani, sa kasaysayan, at maging sa lipunan?

Domz: Ang ilustrador ay isang tulay para mas maunawaan ng mambabasa ang mensahe gamit ang larawan. Layunin ng isang mangguguhit na gumawa ng obra na mas maiintindihan at mamahalin ng kabataan ang kanilang kultura at pagpapakita ng mensahe sa paghubog ng kamalayan ng bata tungkol sa ating lipunan. Madalas rin na ang ilustrador ang tinitingala ng mga bata, kaya isang trabaho rin ng isang mangguguhit na magpakita ng mga larawan na magdudulot ng kabutihan, karunungan at kamalayan.

Sue: Tingin ko ay pangkiliti sa isip na ginawa ni Xi Zuq na isa ring ilustrador ang pangunahing tauhan ng kwento. Ano-ano ang mga pagkakatulad at pagkakaiba mo sa batang ilustrador na si Andrew?

Domz: Katulad ni Andrew, ako yung tao na kahit uwian na, gagawa pa rin ng trabaho. Tulad rin nya, marami rin akong gustong itanong sa isang tao at makilala pa siya ng lubos. Madalas rin na idrinodrowing ko ang mga kaibigan ko para mawala ang kanilang lungkot o stress.

Ang pinagkaiba namin ay ang katatagan niya sa pagharap sa sitwasyon na ang kausap ay may itak at nagsasalitang estatwa. May mga taong katulad ni Andrew na gumagaan kaagad ang loob sa isang taong kinilabutan siya noong una. Marahil ako, dumistansya pa ng higit sa limang dipa.

Sue: At bilang panghuli at pinakamahirap na tanong, ano nga ba ang kulay ng pantalon ni Bonifacio?

Domz: Iba-ibang klase rin siguro ang koleksiyon ng pantalon ng Supremo katulad ng isang karaniwang tao. Maraming naging klase ng pantalon noong mga panahon na iyon at mukhang hindi pahuhuli ang isang respetadong lider katulad niya. Madalas, lalo na sa mga pagganap sa mga paaralan, pula ang pantalon ni Andres Bonifacio. Marahil ito ay paraan para maging manining siya bilang pangunahing tauhan at ang pula ay kulay ng katapangan. Sa kuwentong Ngumiti si Andoy, ang pantalon niya ay kulay brown. Ito ay natural na kulay ng isang pantalon na payak at kulay ito ng katatagan.

Sue: Maraming salamat, Domz!

Napahaba ang naging palitan namin ni Domz kaya’t tayo muna ay magpahinga. Namnamin muna natin ang mga binahagi ni Domz sa atin. Bukas naman natin tunghayan ang aking panayam kay Xi Zuq, ang kaibigan kong manunulat na nagbigay buhay sa aking personal na bayaning si Andres B. sa mundo ng mga ideya at salita.

…|||…

Tungkol sa Aklat

Sa pagdiriwang ng ika-150 kaarawan ni Andres Bonifacio, inihahandog ng Adarna House ang Ngumiti si Andoy, isang aklat tungkol sa buhay ng bayani. Batay ang kuwento at guhit ng aklat sa mga nagwagi sa 2013 Philippine Board on Books for Young People-Salanga at Alcala Prize [pbby.org.ph]. Hanapin ang Ngumiti si Andoy sa Adarna House showroom at sa pinakamalapit ng book store sa inyo.

Basahin ang iba pang detalye ng aklat sa Goodreads.

…|||…

Sumali sa Giveaway:

 
Advertisements

One thought on “Narito si Andoy

  1. Pingback: Ngumiti si Andoy Blog Tour | Xi Zuq's Nook

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s