Ngumingiti si Andoy

(Header) Ngumiti si Andoy Blog Tour
Ang sanaysay na ito ay isinagawa bilang pakikiisa sa Ngumiti si Andoy blog tour na nagsimula sa ika-25 hanggang ika-30 ng Nobyembre 2013. Para sa kumpletong listahan ng mga kalahok na blog, bisitahin ang xizuqsnook.com

Ngayon ang pangalawa at panghuling araw ng paglagi ng Ngumiti si Andoy dito sa atin sa Titser, Titser!. Bilang pangwakas na pakulo sa kanilang paglilibot dito, makakapanayam natin ang manunulat na nagluwal sa kuwento.

(Writer) Xi ZuqSi Xi Zuq ay isang guro, manunulat at mambabasa mula sa Lungsod ng Heneral Santos. Kasapi siya ng Kuwentista ng mga Tsikiting (KUTING) at Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA). Bisitahin siya sa Xi Zuq’s Nook. Nom de plume ni MJ Tumamac ang Xi Zuq. (Kung gaya ko ay nagtaka ka kung bakit ito ang napiling nom de plume ng manunulat, halina’t mag-umpok-umpokan tayo sa panayam ni Tarie Sabido kay Michael Jude).

Narito na ang panayam kung saan sinikap kong mapanatili ang diwang mapanuri na nasimulan ko na sa panayam ko kay Domz:

Sue: Lantad sa akin ang pagiging mapaglaro ng kuwento. May bahid ng komiko lalo na no’ng eksenang patungkol sa bolo ni Andres Bonifacio. Lalo pang naging lantad ito sa wakas ng kuwento. Bilang manunulat, paano pumapasok ang saloobing komiko o palabiro sa iyong mga kuwento? Ito ba ay iyong pinaplano o likas lang na pumapasok sa iyong proseso?

Xi Zuq: Sa totoo niyan, hirap ako sa pagbuo ng mga komikong eksena sa anumang isinusulat ko. Marahil natulungan ako ng mga binasa kong komikong mga akdang pambata bago at habang isinusulat ang Ngumiti si Andoy. Madalas kasi na pag pinaplano ang pagpapatawa, lumalabas na pilit at hindi tuloy nakakatawa. Pero ‘yon ang mahirap na trabaho ng manunulat, kailangang planuhin ang pagpapatawa pero dapat lumabas na natural.

Sue: Isa pang aspekto ng pagiging mapaglaro na nakita ko ay sa kalikutan ng imahinasyon ng manunulat, ng bida, at maging sa hinihingi nitong pagkakathang-isip sa mambabasa. Mas nabigyan pa ito ng katuturan para sa akin nang iugnay ko ito sa konsepto ng bayani bilang isang harayang panlipunan. Sa iyong palagay, ano ang papel ng imahinasyon sa paglikha ng bayani? Ano ba ang bentahe nito? Sa kabilang banda ano naman ang kapinsalaan nito, kung mayroon man?

Xi Zuq: Malaki, malaking pahirap ang tanong na ito. Haha. Malaki ang papel ng imahinasyon sa paglikha ng bayani, lalo pa sa mga panahong wala nang direktang akses ang mga tao sa buhay mismo ng bayani. Sa tingin ko, pinagtitibay ng imahinasyon ang kabayanihan ng isang tao at laging nakaangkla ang pagharayang ito sa nais paniwalaan ng humaharaya. Sa kabilang banda, maaaring sa pagpapatibay na ito ay may mga bagay na naikawing sa bayani kahit hindi naman talaga niya katangian. Sa tingin ko, halimbawa, masyadong naharayang mula sa pinakamahirap na sektor si Andres B. at na isa siyang matapang at walang inuurungang kalaban. Nakakaligtaan tuloy na tulad ng iba pa ay tao din si Andres B. Ngunit hindi ko sinasabing mali ang anumang pagharaya dahil para sa mga humaharaya, may silbi ito lalo na sa pagpapanatili sa pananalaytay ng bayan.

Sue: Isang usapin sa pag-aaral ng kasaysayan ang kakulangan sa pagtampok sa kababaihan. Sa iyong pananaliksik para sa kuwentong ito, ano ang natuklasan mong papel ng kababaihan sa kasaysayan?

Xi Zuq: Marami akong natuklasan sa papel ng kababaihan, tulad ng pagsanib nila sa Katipunan (kaya nga natuwa ako sa isang musical adaptation ng aklat na ito na maraming Katipunera ang ipinakita). Siyemre, sa Katipunan ay may iba’t iba silang papel mula sa pakikipaglaban mismo, pamumuno, pagtulong sa pagpaplano, pagtatala, pagtatago ng mga dokumento at iba pa.

Sue: Ano ang isang bagay tungkol kay Andres Bonifacio na sa tingin mo ay dapat mabatid ng mga kabataan ngayon?

Xi Zuq: Sa aklat, sinubukan kong gawing tao si Andres B. Alam kong hindi na bago ang proyektong ganito sa sinumang bayaning muli nating binabalikan. Sa aking muling pagtanaw sa buhay niya, mas naramdam ko bilang isang labis na mapagmahal na tao si Andres B. Labis niyang minahal ang kaniyang mga magulang, mga kapatid, mga asawa, anak, mga kasama sa Katipunan, at ang mga kapuwa Filipino. Kaya damang-dama ko ang pighati nang mamatay siyang nabatid na may masamang ginawa kay Oryang, namatayan siya ng unang asawa, namatayan ng anak, napaslang sa engkuwentro ang isa niyang kapatid, at nandoon pa siya sa tabi nang pinatay ang isa pang kapatid. Sa aklat, kinailangan kong ‘palambutin’ ang matigas na hulma ng estatwa ni Andres B. upang mabigyan siya ng pagkakataong mailabas ang lahat ng ito. Matapang siya kung matapang ngunit nararamdaman ko ang kaniyang puso.

Sue: At bilang panghuli, ano nga ba ang kulay ng pantalon ni Bonifacio?

Xi Zuq: Pula kung titingnan ang maraming drowing tungkol sa kaniya. Pero alam naman natin na produkto ang ganoong pagkakahon sa paghaharaya sa isang bayani. Sa pagharaya, sa tingin ko, nahuhulma ang isang bayani at nagiging simbolo ng mga tao kaya madalas na tumatatak ang isang imahen nila na tinitingnang kumakatawan sa kanilang katangian bilang bayani. Halimbawa, si Jose R. ay madalas nakamukhang matalinong suot at posing. Nakakawarak ng imahinasyon ng imahen kapag malalamang hindi lang ‘yon ang suot sa kaniya. Ganoon din ang pagtingin ko kay Andres B., nahulma siyang pula lagi ang pantalon, naka-camisa de chino na puti, may itak na itinataas at iba pa. Ngunit dahil isa siyang tao, malamang nang kulay at uri ng pantalong dumaan sa kaniya (at maaari pa ngang tingnan ang uniporme ng mga Katipunero para mas tiyak), na mas madalas siyang humawak ng baril kaysa itak, na ang tanging larawan natin sa kaniya ay naka-amerikana siya at iba pa.

Sue: Sang-ayon ako sa mga sinabi mo Xi Zuq. Tunay nga na laganap na ang stereotype sa ating mga bayani at mas madalas sa hindi nakalapat na ang sarili nating mga pagpapakahulugan sa imahe nila na nabuo sa ating isipan. Dahil dito, gaya ng iyong paliwanag, maaaring malaki na ang laktaw ng imahe sa katotohanan. Sana sa pamamagitan ng kuwentong pambata ay mas mailapit si Andres B. sa mga kabataan ngayon at makita nilang ang kabayanihan ay nagsisimula mula sa mga gawain ng mga karaniwang tao, gaya mo, gaya ko, gaya ni Andres B.

Maraming salamat sa pagsagot sa mga tanong ko Xi Zuq!

…|||…

Basahin ang iba pang detalye ng aklat sa Goodreads.

Sumali sa Giveaway:

Advertisements

2 thoughts on “Ngumingiti si Andoy

  1. Pingback: Ngumiti si Andoy Blog Tour | Xi Zuq's Nook

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s