Isang Hyperreal na Panayam kay Edgar Calabia Samar, Manlilikha ng Janus Sílang Series

Noong isang linggo, natapos kong basahin ang nobelang Janus Sílang at Ang Tiyanak ng Tábon na isang napaka-astig na nobelang pangkabataan. Bilang mambabasa na dati ring nagbanat ng buto sa mga internet cafe para mapa-level 99 ang mga character ko, sobrang nakaka-eksayt subaybayan ang pagtuklas ni Janus sa mga misteryong bumabalot sa larong TALA. Kaya sobrang ikinatuwa ko na mabigyan ng pagkakataon na makapanayam ang manunulat ng nobela, si Sir Edgar Calabia Samar.

Tumulad ako kay Janus sa paghahain ko ng mga tanong. Naghanap ako ng liwanag sa gitna ng mga panlilinlang ng tiyanak. Sa madaling salita, nagsikap akong mapabulgar si Sir Samar ng spoilers. Pero talagang magaling siyang magligaw at maglito ng mga mambabasa. [Sir Edgar: 1 Titser Titser: 0] Sa kabila ng aking kabiguan, marami pa rin akong natuklasan at na-confirm sa mga sarili kong haka-haka tungkol sa nakakapanabik na seryeng ito. Tunghayan ang batuhan ng mga tanong at sagot sa ibaba:

panayamSirSamar

Titser, Titser! (Titser): Sa tingin ko naging page-turner ang nobela dahil sa pag-identify ko sa pagiging gamer ni Janus. Pansin ko agad sa mga unang pahina pa lang na authentic ang boses niya. Gamer talaga siya. Na-establish ito sa internal dialogue ni Janus at lalo na sa binuo po ninyong atmosphere doon mismo sa Malakas Internet Shop; yung panloloko ni Harold, ang kantiyawan ng magbabarkada, at kahit doon sa pambabash nila sa Rainbow Network. Maaari niyo po bang ilarawan ang proseso ninyo sa pagbuo ng boses ni Janus at ang mundo ng isang gamer sa loob ng internet cafe?

Edgar Calabia Samar (ECS): Nang magpasya akong magsulat ng nobelang YA, kailangan kong pumili ng isang aspekto ng kulturang pangkabataan na sa palagay ko’y may sinasabi tungkol sa mga kabataang ito. Maraming kinahuhumalingan ang mga kabataan ngayon, lalo pa dahil sa anyo ng iba’t ibang tekstong popular—social networking dahil sa internet at texting clans, pagsali sa mga reality show, pagbubuo ng dance groups o banda, at iba pa. Napili ko ang mundo ng gamer dahil na rin siguro sa literal at hyperreal na espasyong ginagalawan nito—ang internet shop sa isang banda, at ang loob ng laro mismo. Maraming posibilidad sa dynamics doon. Nalikha ko si Janus sa simula upang katawanin ang isang karaniwang kabataan na lulong doon—bagaman malalaman natin sa nobela na hindi nga siya “karaniwang kabataan” lang. Gusto kong kumatha ng ikatlo pang antas ng realidad bukod sa material na reality ng kaniyang buhay at hyperreality ng TALA, at ito na nga ang pantastikong mundong kinasasangkutan ng mga nilalang ng ating mga alamat.

Titser: Maraming katotohanan ang nabunyag sa huling tagpo ng nobela na talagang ikinagulat ko po. Napaisip tuloy ako kung sino ba ang mas mapanlinlang at mapanligaw sa pagitan ng manunulat at ng tiyanak! Sa lahat po ng mga nilalang ng dilim sa mitolohiyang Pilipino, bakit po ang tiyanak ang napili ninyo?

ECS: Napakahalagang katangian kasi ng Tiyanak ang panlilinlang, ang panliligáw, at mainam na inspirasyon iyon para sa isang banghay na naghahanap ng mga sorpresa o hindi inaasahan. Ayoko nang mag-elaborate dito dahil baka ma-spoil ang mga magbabasa ng nobela. Basta’t unang aklat pa lang ito ng Janus Sílang Series, at kailangan nilang abangan ang iba pang mga nilalang ng dilim. Ang tentatibong pamagat ng Book 2, halimbawa, ay Si Janus Sílang at ang Digmaang Manananggal–Mambabarang.

Titser: Ang isa pang ikinatuwa ko sa kuwento ay ang nangyaring pagsasa-alamat. Napakahusay po ng pagkakahabi sa siyentipikong impormasyon mula sa arikiyoloji, mga elementong sobrenatural at sinaunang kaalaman. Talagang na-fascinate po ako rito dahil bukod sa ginamit ito sa pagbubuo ng isang origin story ng tiyanak, naging daan din ito sa pagkakaroon ng Pandora’s box moment sa kuwento. Napakamalikhain po ng pagkakabuo. Ano po ba ang tinitira ninyo este paano po ninyo ito nabuo o plinano?

ECS: Ha-ha. Marami akong tinira… na mga sinaunang alamat bago ako nakarating sa pagbubuo ng sarili kong mito. Sa palagay ko, napakahalaga sa rekonstruksiyon ng nagdaan, lalo pa sa isang malikhaing akda na tulad ng nobela, ang paglalansag din ng mga pamilyar na sa atin, o ng mga inaakala nating kilala na natin. Nang pinagtapat ko ang Tiyanak mula sa ating mga alamat, at ang Tábon mula sa ating kasaysayan, noon nagsimulang magkahugis sa isip ko ang isang kathang bubuo sa nobela. Ang totoo, halos nasa kalagitnaan na ako ng first draft ng Book 1 nang dumating sa akin ang mga rebelasyon sa dulo ng nobela. Hindi ko alam iyon sa simula. Ang mismong proseso ng pagsusulat ang nagbunyag sa akin noon, ang naghatid sa akin sa ganoong wakas ng Book 1. Pero Book 1 pa nga lang iyan. Maraming-marami pa tayong matutuklasan—kasama na ako—sa mundo ni Janus Sílang sa mga susunod na aklat ng serye.

Titser: Nabanggit po ninyo sa dulo ng nobela na mahigit sampung taon na nang una kayong makakilala ng isang Pusong. Paano po ba nalalaman kung ang isang tao ay mula sa angkang ito? Ano naman po ang pananda para sa mga taong nabibilang sa angkan ng mga Bagani?

ECS: Naku, ayoko muna yatang sagutin ang tanong na ito. Abangan ninyo ang Book 2! Bahagya nang lumawak ang mundo roon at masasagot siguro ang tanong na ito. Ha-ha-ha.

Titser: Maraming beses din po akong nagulat sa aklat dahil sa pagbuwag nito sa mga expectations ko ng isang YA na nobela. Ang tinutukoy ko po rito ay ang handling po sa kamatayan sa kuwento. Dahil po rito daring ang dating ng aklat sa akin. Ano po ba ang masasabi ninyo tungkol rito?

ECS: Hindi ba spoiler ito? Spoiler alert! Kung sa bagay, hindi mo naman sinabi kung sino ang mamamatay at kung paano. Ha-ha-ha. Sa tingin ko, anumang malikhaing akda ay kailangang maging mapangahas. Ibig sabihin, subukin kung hanggang saan mababánat o madadala ang limitasyon ng isang literary form o content. Pumupunta ka sa pinakagilid ng kumbensiyon, halimbawa’y sa pinakadulo ng conventions ng YA literature sa atin, at sinusubok na itulak iyon, upang makita kung maaari pang palawakin. Sa lahat ng isinusulat ko, sinusubok kong gawin iyon, kahit bahagyang-bahagyang tulak lang. Kung lahat ng nagsusulat, gagawin iyon, matutuklasan natin na iyung pakaunti-kaunting tulak, malaking pagpapayaman sa anyo ang magagawa sa hinaharap.

Titser: Sa larong TALA, alin po ang pipiliin ninyong hero, bagani po ba o pusong? At ano po ang itatambal ninyong anito?

ECS: May espesyal na puwang sa puso ko ang mga púsong, kaya tulad ni Janus ay púsong din siguro ang pipiliin ko. Pero di tulad ni Janus, tatambalan ko ito ng isang diwata. Pero hindi ako sigurado ngayon kung mangangahas akong maglaro ng TALA pagkatapos ng mga nangyari sa unang kabanata, bagaman sa loob ko’y mas nangingibabaw pa rin iyong pagnanasang maging mapangahas lang. Ang hirap e, hindi ba. Búhay na ang pinag-uusapan dito. Itataya mo ba talaga ang búhay mo para sa isang laro lang?

Titser: Siguro po ay nagpapahinga po kayo ngayon mula sa pagsusulat ng nobela dahil nga kakalabas lang ng unang libro ng serye. Hindi naman po sa nampe-pressure, pero kailan po ba ilalabas ang ikalawang libro ng serye?

ECS: Noong Marso ko pa natapos at naipasa sa Adarna House ang first draft ng Book 2. Sang-ayon sa kanila, Nobyembre ngayong taon ang target na release nito. Kaya pagkatapos siguro ng book store tour ng Janus ngayong Mayo, magsisimula na akong mag-revise sang-ayon sa mga puna nila. Kapag natapos ko ang revisions sa Book 2, handa na akong umupo’t isulat ang Book 3 na nag-uumapaw na sa isip ko. Abangan sana ninyo ang lahat ng ito!

Titser: Eksayted na po ako para sa ikalawang aklat. Maraming salamat po sa pagpapaunlak sa Titser, Titser!

JanusSilang_blogtour

Isinagawa ang panayam na ito bilang pakikiisa ng Titser, Titser! sa #JanusSilang blog tour.

Maaaring i-like sa FB ang Janus Sílang Series sa http://www.facebook.com/JanusSilang. Maaari ring i-follow si Edgar Calabia Samar sa @ecsamar sa Twitter. Bisitahin ang edgarsamar.com para sa iba pang akda ni Samar.

May pagkakataon kang manalo ng isang libreng kopya ng libro! Pumunta lamang sa Rafflecopter para sa mga detalye. O kung nais mo ng patikim, mababasa ang unang chapter ng book 1 sa Talarchives.net o wattpad.

Advertisements

One thought on “Isang Hyperreal na Panayam kay Edgar Calabia Samar, Manlilikha ng Janus Sílang Series

  1. Pingback: The Many Ways Janus Silang is a Good Read | Titser, Titser!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s